-- Advertisements --

Kinuwestyon ng kasalukuyang kalihim ng Department of Justice (DOJ) na si Secretary Jesus Crispin Remulla ang naging proseso ng Office of the Ombudsman sa reklamong inihain laban sa kanila ng arestuhin si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang panayam sa naturang kalihim, inihayag nito ang kanyang pagdududa sa procedures ng Ombudsman sapagkat aniya’y wala umanong naganap na ‘fact-finding’.

Kung saan mariing iginiit ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi naging malinaw ang hakbang isinagawa ng Ombudsman nang bigyan sila ng direktiba.

Ipinag-utos kasi nito na magsumite sila ng counter-affidavit sa reklamong kinakaharap nila na aniya’y naging dire-diretso agad habang hindi raw dumadaan muna sa proseso ng fact-finding.

Ngunit sa kabila nito, muling tiniyak naman ni Justice Secretary Remulla na ito’y sasagutin nila at hindi ipagsasawalang bahala ang naging kautusan ng Office of the Ombudsman.

“Hindi lang clear talaga ang procedure ng Ombudsman. Anyway, we will still answer it. Parang hindi malinaw ang procedure kasi dati, merong fact-finding iyan, may rules na published iyan. Yung ngayon parang hindi na dumaan sa fact-finding, basta dire-derecho kaagad sa amin,” ani Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Samantala, patutsada naman ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang inihaing reklamo ng isang senadora ay para lamang sa publicity nito sa nalalapit na eleksyon.

Kung saan naniniwala ang naturang kalihim na ang inihaing reklamo ni Senadora Imee Marcos sa Ombudsman ay para lamang raw makakuha ng atensyon ng publiko lalo pa’t panahon ng halalan.

“Pag tapos na ang eleksyon tama na iyon, kasi parang in aid lang iyan, gusto lang talaga makakuha ng publicity tungkol sa eleksyon, wala tayong magagawa,” ani Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.

Si Department of Justice Secretary Remulla kasama ang ilan pang matataas na opisyal ng gobyerno ay matatandaang sinampahan ng reklamo sa Ombudsman upang kwestyunan ang legalidad sa mga naging hakbang nila ng arestuhin si dating Pangulong Duterte.

Nahaharap sila sa mga reklamong kriminal tulad ng Arbitrary Detention, Usurpation of Judicial Functions, pati na rin ‘grave misconduct’ na reklamong admistrabo at iba pa.