-- Advertisements --

Ipinagmalaki ng Department of Information and Communications Technology na naging epektibo umano ang kanilang paghahanda sa nagdaang eleksyon. 

Naniniwala ang kagawaran na naging sapat ang kanilang kahandaan kaya’t gayon na lamang ang kanilang pagmamalaki na naging maganda ang epekto nito sa naganap na National and Local Elections noong Mayo 12. 

Ayon kay Department of Information and Communications Technology Assistant Secretary Renato ‘Aboy’ Paraiso, resulta raw ito ng kanilang pagpapakita sa publiko na seryoso ang pamahalaan na labanan ang mga banta sa seguridad ng isinagawang eleksyon.

Ibinahagi din niya na bagama’t ang inaasahan ng karamihan na mayroong mga tangkang hacking, phishing o pagmanipula sa sistema ng Commission of Elections, aniya’y wala raw silang namonitor.

Ito mismo ang kanyang sinabi sa kanilang pagbabantay gamit ang itinatag na 24/7 threat monitoring center ng pamahalaan inilaan para sa eleksyon.

Giit pa ni Assistant Secretary Paraiso na ang preparasyong kanilang isinagawa, ilang patung-patong na safeguards sa system ng Commission on Elections at mga technical procedures ay siyang nagtulak upang hindi na magtangka pa na guluhin ng mga masasamang loob ang cyber security ng eleksyon. 

Ngunit sa kabila nito, ibinahagi naman ni Assistant Secretary Renato Paraiso na hindi maitatangging laganap pa rin ang fake news magpasahanggang ngayon.

Aniya’y bagama’t wala raw silang namonitor na banta o tangkang hacking sa sistema ng Commission on Elections, ang pagpapakalat naman raw ng maling impormasyon ay ang siyang kalaban sa naganap na eleksyon. 

Kaya naman dahil dito ay inihayag pa niya ang kahalagahan ng inilunsad na threat monitoring center na babantay hindi lamang sa sistema ng eleksyon kundi maging pati na rin sa talamak na paglaganap ng maling impormasyon o fake news. 

Pagmamalaki pa ng naturang Assistant Secretary na hindi lamang ito inisyatibo mula sa Inter-Agency Task Force ng gobyerno kundi kabilang rito ang iba’t ibang organisasyon at pribadong sektor sa lipunan na may kaparehong adhikain ng pagsugpo sa mga bantang may kinalaman sa seguridad ng eleksyon.