-- Advertisements --

Kinumpirma ng Malacañang ngayong Miyerkules na nakikipag-ugnayan na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa National Intelligence Coordinating Agency (NICA) at sa Philippine Coast Guard (PCG) upang imbestigahan ang mga ulat na buhangin mula sa iba’t ibang bayan sa Pilipinas ang ginagamit sa reclamation projects ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi maaaring isapubliko ang mga detalye ng imbestigasyon dahil sa sensitibong katangian ng usapin. Gayunman, kumpirmado aniyang nakikipag-ugnayan na ang DENR sa NICA at Coast Guard upang tumugon sa isyu.

Kung mapapatunayan ay maaaring kasuhan ang mga sangkot sa ilegal na aktibidad sa ilalim ng Philippine Maritime Zones Act at Philippine Mining Act.

Sa isang pagdinig ng Senado, matatandaan na sinabi ni NICA’s Ashley Acedillo na may impormasyong kinukuha umano ang mga buhangin mula sa Manila Bay at iba pang bahagi ng bansa upang gamitin sa pagbuo ng mga artificial island ng China, partikular sa mga pinagtatalunang bahagi ng WPS.

Matagal nang nagbabala ang Philippine Coast Guard ukol sa patuloy na reclamation at ginagawang konstruksyon ng China sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, kabilang ang Pag-asa cays at Escoda Shoal.

Samantala, patuloy ang imbestigasyon at nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na maging mapagmatyag at mag-ulat ng kahina-hinalang aktibidad kaugnay nito.