Pinaalalahanan ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang mga ka kandidato sa darating na 2022 elections na huwag magbayad ng “permit to campaign fee” sa New People’s Army (NPA).

Ayon sa PNP chief, sasamantalahin na naman ng NPA ang pangangampanya para makakolekta ng pera mula sa mga kandidato para sa iba’t ibang lokal at pambansang posisyon.

Paalala ng PNP chief, paglabag sa batas, partikular sa “Anti-Terrorism Act of 2020,” ang pagbibigay ng pinansyal na suporta sa NPA.

Paliwanag ni Eleazar ayon sa Republic Act 10168 o Terrorism and Financing Prevention and Suppression Act of 2012, ang pagbibigay ng pera sa anumang terroristang grupo ay kinokonsiderang direktang pag-pondo sa mga terrorist attacks.

Ang paglabag aniya sa RA 10168 ay may kaparusahang pagkakulong ng 20 hanggang 40 taon at multa na hindi bababa sa P500,000.

Maaari pa aniyang i-freeze ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga ari-arian ng mga lumabag.

“As the national polls draw near, the CPP/NPA is expected to again take advantage of the elections for financial gain through extortion,” wika ni Eleazar.