Inaasahan ng kampo ni dating pangulong Rodrigo Duterte na maglalabas ng desisyon ang International Criminal Court (ICC) sa hirit nilang interim release sa loob ng isang buwan.
Sinabi ng lead counsel na si Atty Nicholas Kaufman na dapat mabilis kumilos ang ICC batay sa Rome statute.
Plano rin ng depensa na humiling ng pahintulot na makapagsumite ng tugon sa argumento ng prosekusyon na tutol sa pansamantalang paglaya ni Duterte, dahil umano sa pagbabago ng bansang pagtutuluyan nito.
Iginiit ni Kaufman na wala siyang dahilan para kuwestyunin ang integridad ng mga hukom ng ICC, kahit tinanggihan ang kanilang hiling na I-disqualify ang dalawang judge na sangkot sa naunang drug war probe.
Aminado siyang nais sana ng kampo na makabalik si Duterte sa Pilipinas kahit pansamantala, ngunit malinaw na hindi ito tatanggapin ng gobyerno.
Tumanggi rin siyang kumpirmahin ang ulat na tinanggihan ng Belgium at Australia na tanggapin si Duterte, at sinabing may kalituhan lamang sa impormasyon.
Pinabulaanan din ni Kaufman ang mungkahing puwedeng humingi ng legal na proteksyon si Duterte sa ilalim ng batas ng netherlands habang nasa kustodiya ng icc–na tumutukoy sa mungkahing unang binanggit ng ilang abogadong Pilipino. (report by Bombo Jai)