Nanindigan si Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDA-LABAN) impeachment spokesperson Atty. Ferdinand Topacio na hindi maaring mangyari ang pag-recuse ng mga senator-judge sa impeachment ni VP Sara Duterte dahil sa issue ng political affiliation.
Giit ng abogado, hindi maaalis ang katotohanan na ang impeachment process ay isang political process o mayroong bahid ng pulitika.
Kung ipipilit aniya na mag-recuse o hindi makibahagi ang ibang senador sakaling umusad man ang trial, dahil sa kanilang political affiliation at political party, tiyak na wala na aniyang maiiwan pang senador na magsisilbi bilang judge.
Bawat isa sa mga senador aniya ay may kaniya-kaniyang political affiliation, mula noong tumakbo ang mga ito sa pulitika.
Hindi aniya tamang hilingin na huwag nang makibahagi ang mga senador na kaalyado ng pangalawang pangulo at hayaan lamang na makibahagi ang mga senador na hayagang pumupuna o bumabatikos sa kaniya.
Inihalimbawa rin ng abogado ang mga senador na may connection sa mga kongresistang pumirma at nagsulong pa sa impeachment complaint laban sa pangalawang pangulo.
Nanindigan din ang abogado na kailangan munang tukuyin ng 20th congress kung mayroon itong hurisdiksyon sa impeachment complaint laban kay vp sara bago magpatuloy sa pagdinig sa naturang reklamo.
Kung babalikan ay inihain ang naturang reklamo sa 19th congress at isa sa mga pangunahing katanungan ngayon ay kung mayroong hurisdiksyon ang sumunod na kongreso upang ipagpatuloy at tuluyang dingin ang kaso ng pangalawang pangulo. (report by Bombo Jai)