-- Advertisements --

Bumuwelta si Vice President Sara Duterte sa naging hamon ng Malacañang na dapat siyang magpaliwanag sa taumbayan kung official visit ang kaniyang mga biyahe sa ibang bansa.

Sa isang press conference sa Davao City, hindi napigilan ng Bise Presidente na muling tawaging stupid at mahina ang administrasyon.

Napabuntong hininga na lamang din ng malalim ang Bise Presidente nang matanong sa naturang isyu.

Ipinaliwanag ng Bise presidente na hindi official business ang kaniyang pagbiyahe sa ibang bansa. Aniya, kapag ginamit ang pera ng bayan para sa isang official business, doon kinakailangang mag-ulat ng kaniyang ginastos subalit kapag personal trip naman at walang ginamit na pera ng gobyerno ay hindi kailangang magsumite ng report.

Matatandaan noong Huwebes, hinamon ng Malacañang ang Bise Presidente na iulat ang resulta ng kaniyang mga biyahe sa labas ng bansa sa taumbayan.

Noong nakalipas na linggo naman, kinuwestyon ni Palace Press Officer USec. Claire Castro ang overseas trips ni VP Sara kung ito ba ay personal o para sa bansa na nagbunsod naman sa Ikalawang Pangulo para tawagin siyang “b*b*”.

Bumuwelta naman ang Palace official at tinawag na emosyonal ang Bise Presidente at sinabing kapag mataas ang emosyon, mahina ang kukuti.

Ang pag-kuwestiyon naman sa mga biyahe ng Bise Presidente sa ibang bansa ay sa gitna ng mga espekulasyon na ito ay may kinalaman sa interim release bid ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isang hindi pinangalanang bansa.

Kung maalala nagtungo sa The Netherlands si VP Sara noong May 29 hanggang May 31 para ipagdiwang ang kaniyang kaarawan kasama ang kaniyang ama na si dating Pangulong Duterte na nakadetine doon.

Nagtungo din ang Pangalawang Pangulo sa Qatar at Kuala Lumpur Malaysia at sa Melbourne, Australia para dumalo sa isang pagtitipon doon.