Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga concerned government agencies na linisin ang mga drainage at estero lalo at tag-ulan na ngayon o rainy season.
Makakatulong kasi ito para maiwasan ang mabilis na pagbaha lalong lalo na dito sa kalakhang Maynila.
Ang direktiba ni Pangulong Marcos ay dahil tag-ulan na at may mga bagyo na rin na inaasahan.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, nais ng Pangulo na maging handa ang gobyerno para tugunan ang posibleng epekto na dulot ng malakas na pag ulan at bagyo.
Iniulat ni Castro na may ginagawang paghahanda na rin ang Metro Manila Development Authority (MMDA) kung saan nasa 23 priority estero dito sa National Capital Region ang kanilang lilinisin kung saan gagamitan ng makabagong equipment para malinis kaagad ang mga kanal.
Partikular na inatasan ng Pangulong Marcos ang DPWH at ang Department of Labor and Employment (DOLE) para duon sa gagawing paglilinis.
Imo-mobilized ng DOLE ang mga TUPAD beneficiaries para tumulong sa paglilinis ng mga estero.
Pinasisiguro din ng Pangulo na ang NDRRMC at ang local disaster offices ay maging handa para maging first responders.
Sa ngayon inatasan ng DILG ang mga Local Government Units na palakasin ang kanilang emergency preparedness measures.
Tiniyak din ng Malakanyang na sa panahon ng kalamidad asahan ng publiko ang agarang pagkilos ng pamahalaan.
Nanawagan din si USec Castro sa publiko kumilos, iwasan na magkalat at itapon ng maayos ang mga basura.