Kinumpirma ng Department of Justice na kanilang isinasama na ngayon ang dalawang kilalang personalidad sa imbestigasyon hinggil sa pagkawala ng mga biktimang sabungero.
Kung saan, ituturing na ng kagawaran ang negosyante at gaming industry tycoon na si Charlie ‘Atong’ Ang, at artistang si Gretchen Barretto bilang mga suspek sa kaso.
Sa naging pagtatanong ng Bombo Radyo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, kanyang ibinunyag na ang dalawang nabanggit na indibidwal ay mapapabilang na sa mga paiimbestigahang suspek sa pagkawala ng mga sabungero.
Ito’y bunsod ng isiwalat ni Julie ‘Dondon’ Patidongan o kinilala bilang si alyas ‘Totoy’ ang pagiging sangkot umano nina Atong Ang at Gretchen Barretto.
Ngunit paglilinaw naman ni Justice Secretary Remulla, na ang pag-iimbestiga ng kagawaran ay isang proseso at patuloy pa ang kanilang ‘validation’ hinggil sa mga rebelasyon.
‘Eh mapapasama sila, kasi pinangalanan sila then we will have to include them as suspects’, ani Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.
Ngunit sa kabila nito, ang negosyanteng si Charlie ‘Atong’ Ang naman ay mariing pinabulaanan ang naturang alegasyon.
Aniya’y hindi sila kriminal at wala umano siyang kinalaman lalo na sa kaso ng mga nawawalang biktimang sabungero.
Samantala, dahil sa pagtanggi ni Atong Ang sa mga akusasyong ibinabato sa kanya ni alyas ‘Totoy’, sineguro naman ni Justice Secretary na magpapatuloy pa rin ang imbestigasyon.
Kanyang tiniyak na hindi umano maapektuhan ang kanilang pag-iimbestiga sa mga salaysay o mga binibitawang pahayag ng dalawang kampo hinggil sa kaso.