Tinatrabaho na ng Pilipinas at ng militar ang pagsasakatuparan ng ‘one-theatre’ concept ng Japan na siyang naglalayon na ituring ang West Philippine Sea, East China Sea at Korean Peninsula bilang iisa at isang integrated theatre ng mga operasyon kung sakali mang sumiklab ang digmaan.
Paliwanag ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro, layon ng konseptong ito na palakasin pa ang ugnayan at koordinasyon ng Pilipinas sa mga bansang Japan, Estados Unidos, South Korea at Australia sa pamamagitan ng mga pinagsamang mga pagsasanay at operasyon, pakikipagpalitan ng mga impormasyon at kaalaman sa seguridad, domain awareness, at maging sa intelligence exchange.
Dagdag pa ni Teodoro, ang mga banta na nararanasan ng Japan, Pilipinas at maging ng iba pang mga bansa na may kaparehong pananaw ay kalimitang nasa aerial at maritime domain.
Makatuwiran lamang din aniya na ituring ang buong rehiyon bilang iisa dahil sa wala namang involved na land border dito.
Ayon pa sa kalihim, kasalukuyan nang isinasakatuparan ng Japanese Joint Operations Command, isang bagong yunit ng Japan-Self Defense Force, ang naturang konsepto habang para naman sa Armed Forces of the Philippines (AFP), pangungunahan naman ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo S. Brawner Jr. ang pagpapatupad nito.
Sa mga darating na taon naman ay inaasahang ang implementasyon nito ay maaaring maipasa sa bagong AFP Strategic Defense Command na siyang mangangasiwa sa mga stratehiya sa mga operasyon ng militar, partikular na sa mga joint military exercises at detterence activities kasama ang mga kaalyado nitong mga bansa.
Bagamat wala pang mga sapat na detalye, inaasahan rin na ang unang bahagi ng operationalization nito ay ang pagkakaroon ng Combined Coordinating Center (CCC) sa Disyembre.
Samantala, sa gitna ng mga umiiral na tensyon sa rehiyon, ang pagpapatupad ng one-theater concept ay nagpapakita ng mas pinaigting na ugnayan at paghahanda ng mga kaalyadong bansa upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa Indo-Pacific Region.