-- Advertisements --

Kasalukuyan nang sinisilip ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang umano’y pagkakasangkot ng isang aktibong miyembro ng hukbo sa listahan ng mga destabilizers upang matiyak na walang mga aktibong miyembro ng Sandatahang Lakas ang makikibahagi at magkakaroon ng partisipasyon sa mga kilusan at programa na ikakasa simula sa Linggo, Nobyembre 16.

Ito ay kaugnay pa rin sa listahan na inilabas ng columnist na si Ramon Tulfo at maging sa mga usapin hinggil sa pagkakasa ng mga destabilization efforts, inihayag ni Brawner na patuloy pa rin na bineberipika at sumasailalim sa malalim na pagiimbestiga ang naturang listahan na ito na nilalaman ng ilang mga retiradong heneral.

Pagtitiyak pa ni Brawner ang mga ganitong impormasyon ay kanilang sineseryoso dahil ang mga ulat na ito ay dapat lamang na silipin at tignang mabuti.

Bagamat sa ngayon hindi pa nakakapagbigay ng mga bagong ulat ang intelligence community ng Sandatahang Lakas, patuloy na sumasailalim sa beripikasyon ang listahan matapos na lumabas na isang aktibong miyembro ng AFP ang napapabilang dito.

Pagtitiyak naman ni Brawner, sisiguruhin nila na walang aktibong miyembro ang makikibahagi o masasangkot sa ganitong mga klase ng unconstitutional activities.

Samantala, nangako naman ang AFP na patuloy na babantayan ang mga ulat na ito ngunit muling iginiit ni Brawner na ang mga pangyayaring ito ay pawang mga politically driven lamang.

Pagtitiyak pa ng heneral, ang Sandatahang Lakas ay hindi matitinag sa mga ingay na ito at patuloy lamang sa pagtalima sa kanilang mandato na protektahan at depensahan ang mga teritoryo ng bansa at ang nasasakupan nito partikular na ang pambansang interes nito.