-- Advertisements --

Kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na isasama na ang Pag-asa Island sa isasagawang military exercises kasama ang ibang bansa.

Ang Pag-asa Island ang isa sa mga teritoryo ng Pilipinas na direktang nakaharap sa ilang maritime features na nasa West Philippine Sea.

Ito rin ang pinakamalapit na komunidad na binubuo ng mga Pilipino sa mga lugar sa WPS kung saan madalas isinasagawa ng China ang ramming incidents, pambobomba ng tubig, at iba pang uri ng agresyon laban sa mga barko ng Pilipinas.

Ayon kay Gen. Brawner, ang pagsama sa Pag-asa Island sa military exercises ay bahagi ng mas malawak na defense plan ng militar, salig sa nilalaman ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC).

Dito ay target ng AFP ang lahat ng bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ), kasama na ang maritime features na nakapaloob sa EEZ.

Ang Pag-asa Island aniya ay ang pinakamalayong isla kung saan nakatira ang mga Pilipino kaya’t kailangan din itong madepensahan ng hukbo sa anumang banta.

Samantala, sa gaganaping Joint Exercise Dagat-Langit-Lupa (AJEX DAGIT-PA) Exercises ngayong taon, kasama na ang naturang isla sa mga magiging venue.

Ayon kay Brawner, isang “complete package” na binubuo ng maritime, air, at land simulations ang isasagawa ngayong taon sa ilalim ng joint simulation.