-- Advertisements --

Naghahanda na ang PNP sa posibleng pag-aresto kay dating Sen. Antonio Trillanes IV at kay Peter Joemel Advincula alyas “Bikoy.”

Ito’y may kaugnayan sa kasong inciting to sedition na isinampa laban sa kanila ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dahil sa pagpapalabas ng “Ang Totoong Narcolist” video.

Ayon kay PNP Spokesman PBGen. Bernard Banac, hinihintay na lang ng mga tauhan ng CIDG at ng Quezon City Police District ang ilalabas na warrant of arrest ng QC RTC Branch 138 laban kina Trillanes.

Mayroon na ring binuong tracker teams ang PNP para sa pagtunton kina Trillanes na sinasabing kasalukuyang nasa Amerika gayundin kay Advincula na nasa kanilang tahanan sa Bicol.

Maliban kina Trillanes at Advincula, mayroon pang 10 personalidad ang humaharap sa kaparehong kaso sa korte dahil sa kanilang partisipasyon sa video na nagdiriin sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kalakalan ng iligal na droga sa bansa.