-- Advertisements --

Magsasampa na ng kaso sa National Bureau of Investigation (NBI), sa Miyerkules, si Senadora Risa Hontiveros laban kay Alyas ‘Rene’ — ang bumaliktad na testigo sa pagdinig noon ukol sa mga umano’y pang-aabuso ni Pastor Apollo Quiboloy. 

Ang tugon ni Hontiveros ay kasunod ng kumalat na video ni Alyas ‘Rene’ kung saan inaakusahan nito ang senadora na binayaran siya ng P1 million para tumestigo sa mga seryosong kaso laban kay Quiboloy at idawit sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte.

Bukod kay Alyas ‘Rene’ sasampahan din ng senadora ang mga naglabas ng kumalat na video. 

Ayon sa senadora, hindi lamang fake news ang video kung hindi isa ring witness tampering o pananakot sa testigo. 

Salaysay ni Hontiveros, si Alyas ‘Rene’ ang paulit-ulit na lumapit sa kanyang opisina—hindi ito tinakot at pinilit kundi siya ang naghabol sa kanilang tanggapan para magpahayag ng kanyang panig. 

Pagsisiwalat pa ng senadora, noong February 7, 2024, si Alyas ‘Rene’ ang nanghingi ng pera upang ipangbili ng laptop—kung saan malinaw aniya ang polisiya ng kanyang opisina na hindi sila nagbibigay ng financial assistance sa potential witness. 

Kaya naman hindi na raw magtataka pa ang mambabatas na kung Kingdom of Jesus Christ—na pinamumunuan ni Quiboloy ang nagbayad kay Alyas ‘Rene.’  

Noong February 22, 2024, hinimok din daw ang dating testigo na bumawi sa hearing para mapahiya si Hontiveros. 

Kaya naman hindi raw palalampasin ni Hontiveros na takutin nila ang mga testigo at sindakin ang Senado bilang institusyon.