Binabantayan ng mga otoridad ang sitwasyon sa Marikina River kasabay ng malawakan at biglaang pag-ulan sa malaking bahagi ng National Capital Region.
Kaninang umaga (July 3) ay tuluyang umangat na ang tubig sa 12 meters.
Bagaman nasa normal level pa lamang ito, hindi inaalis ang posibilidad na lalo pang tumaas ang antas ng naturang ilog dahil sa patuloy na pag-ulan.
Sa naturang ilog, mayroong three-stage alarm level system na sinusunod para sa mas mabilisang paglikas.
Sa sandaling umabot ang lebel sa 15 meters (Alarm Level 1), pinaghahanda na ang mga residente sa paglikas; kapag umabot ito sa 16 meters (Alarm Level 2), sinisimulan na ang paglikas, lalo na sa mga nakatira malapit sa ilog; habang kung umabot na ang antas ng tubig sa 18 meters (Alarm Level 3), isinasagawa na ang forced evacuation.
Kapag labis na umaapaw ang Marikina River, kalimitang naaapektuhan ang mga residente sa malaking bahagi ng lungsod, kasama na ang libo-libong residente sa Pasig City at KAMANAVA area tulad Malabon, Navotas, at Valenzuela, dahil sa mga tributaryo ng naturang ilog.