KALIBO, Aklan—Naalarma ang mga katutubong Aeta sa Isla ng Boracay nang muling pasukin ng nasa 40 mga security guards ang kanilang lupang tinitirahan sa Sitio Bantud, Barangay, Manocmanoc, Boracay nitong araw ng Miyerkules, Hulyo 2, 2025.
Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Maria Tamboon, livelihood coordinator ng Ati Community na ikinagulat ng mga ito ang biglaang pagsulputan ng mga naka-unipormeng guwardya sa kanilang lugar.
Dala-dala ng mga ito ang dokumento na sinasabing nag-uutos sa mga Aeta na linasin ang nasabing property.
Dagdag pa ni Tamboon, ang naturang dokumento ay hindi court order kundi abiso lamang mula sa central office ng Department of Agrarian Reform (DAR) na nagsasabi na ang lupa ay pinagmamay-arian ni Gabriel Singson.
Nanindigan ang mga katutubo na trespassing ang ginawa ng grupo ng mga gwardiya dahil sa may pinanghahawakan silang Certificate of Land Ownership Award (CLOA) na ipinagkaloob ng DAR bilang mga land reform beneficiaries.
Matatandaan na noong 2024 ay nagkaroon ng tensyon matapos na pinasok din ng mga armadong kalalakihan ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay at pilit na pinapaalis sa lugar.
Noong 2018 nang mismong si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nagkaloob ng 6 na titulo para sa mga katutubong Ati sa Boracay.
Sa pamamagitan ng CLOA na sumasaklaw sa 3.2 ektarya lupain ay nagkaroon ng kabuhayan mga miyembro ng Ati community mula sa produkto na kanilang inaani.
Binigyang diin ni Tamboon na ang CLOA na binigay ng Duterte administration ay nagpapatunay na sila ang nagmamay-ari ng nasabing lupa.