Tumaas na ang tyansa ng low pressure area (LPA 06h) na maging ganap na tropical depression sa susunod na 24 oras, batay sa monitoring na ginagawa ng state weather bureau.
Unang inilagay ng weather bureau sa ‘low’ o mababa ang tyansang mabuo bilang bagyo ang naturang LPA ngunit habang papalapit ito sa kalupaan ng Pilipinas ay itinaas na ito sa ‘medium’.
Huling namataan ang naturang LPA sa layong 930 km silangan ng Central Luzon (Region 3).
Ayon pa sa weather bureau, bagaman hindi nito direktang naaapektuhan ang kalupaan ng bansa, sumasabay ang extension ng LPA sa southwest monsoon na nagdadala ng mga makakapal na kaulapan at pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Naaapektuhan aniya ang Mindanao at Visayas, kasama ang Central Luzon.
Patuloy naman itong binabantayan ng weather bureau, lalo na ang posibilidad na pagkakabuo nito bilang ikalawang bagyo sa bansa.