Nakatakdang magpapatupad ngayon ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mas pinalawak at pinalakas na emergency employment programs para sa informal at formal workers na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III, para sa mga informal workers ay may plano silang maglunsad ng expanded TUPAD program o ang Tulong Panghanabuhay sa Ating Disadvantage o Displaced Workers.

Ayon kay Sec. Bello, sa ilalim ng mas pinalawak na TUPAD program, gagawin na itong tatlo hanggang anim na buwan na emergency employment mula sa dating 10 araw lamang na trabaho mula nang nagpatupad ng community quarantine sa bansa.

Ibig sabihin, mayroong tatlo hanggang anim na buwang kikita pa rin ang mga informal worker sa pamamagitan ng community-based activities, cleaning and gardening o mga trabaho sa kanilang komunidad.

Maliban dito, inihayag ni Sec. Bello na mayroon din silang programa para naman sa mga formal workers o ang tinatawag na wage subsidy para sa mga employers.

Sa panukala ng DOLE, bibigyan ang mga employer ng range na 25 percent hanggang 50 percent na subsidy sa kondisyong hindi sila dapat magtanggal ng mga empleyado sa halip ay kung pwedeng magdagdag pa.

Layunin uamno ng programang ito na maprotektahan ang kapakanan at mapanatiling may trabaho ang mga manggagawa.