-- Advertisements --

Ipinahayag ni Vice President Sara Duterte ang kanyang pag-suporta para sa dalawang panukalang batas na inihain ng kapwa kaalyado nitong sina Senator Robin Padilla at Senator Imee Marcos.

Ang mga naturang panukalang batas ay ang Senate Bill No. 2766 o ang Comprehensive Anti-Discrimination Act at ang Senate Bill No. 449 o ang Civil Union Act na layong protektahan ang mga karapatan ng LGBTQIA+ community.

Ginawa ng Bise Presidente ang pahayag sa isang event ng Office of the Vice President, kung saan sinabi ni Duterte na ngayon na ang tamang panahon upang gawing batas ang mga ito na magbibigay proteksyon laban sa discrimination.

Dagdag pa ng Bise Presidente, na ang naturang panukala ay isang universal obligation at nararapat lang aniyang maisabatas.

Subalit, nang tanungin siya tungkol sa kanyang posisyon sa ibang panukalang nagtatanggol sa karapatan ng LGBTQIA+, tulad ng SOGIESC Equality Bill ni Sen. Risa Hontiveros, tumanggi itong magbigay ng komento at ipinahayag na ang mga panukalang isinusulong niya ay dumaan na sa legal team ng kanyang opisina.

Bukod dito, iminungkahi rin ni Duterte ang pagbuo ng isang National LGBTQIA+ Commission, isang ahensya na magsusulong ng mga polisiya at programa para sa kapakanan ng LGBTQIA+ sector lalo na aniya sa mga kabataan.