Pinangunahan nina Adm. Samuel J. Paparo, commander ng U.S. Indo-Pacific Command, at Gen. Romeo Brawner, chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang taunang Mutual Defense Board–Security Engagement Board (MDB-SEB) sa Camp Smith, Hawaii noong Agosto 7–8.
Kapwa pinagtibay ng dalawang lider ang mas malalim na kooperasyon at interoperability ng kanilang mga puwersa para palakasin ang depensa sa Indo-Pacific region at itaguyod ang “peace through strength.” Nilagdaan nina Paparo at Brawner ang taunang 8-Star memo at listahan ng mga aktibidad na kinabibilangan ng Exercise Balikatan 2026.
Mahigit 500 joint engagements ang inaprubahan para sa susunod na taon, mula sa malakihang military exercises hanggang sa mas maliliit na subject matter expert exchanges na layong palakasin ang ugnayan ng dalawang militar sa larangan ng seguridad, depensa, at disaster response.
Itinampok din ang mga Maritime Cooperative Activities (MCAs) bilang pangunahing tagumpay para tiyakin ang kalayaan sa paglalayag at dagdagan ang kakayahan ng dalawang bansa na magsanib-puwersa sa operasyon.
Matapos ang Mutual Defense Board-Security Engagement Board (MDB-SEB), nagsimula na ang United States Indo-Pacific Command (USINDOPACOM) service components at AFP counterparts sa pagplano para sa mga aktibidad sa susunod na taon.
Giit ng United States Indo-Pacific Command, nananatili silang nakatuon sa pagpapanatili ng katatagan sa Indo-Pacific sa pamamagitan ng seguridad, mapayapang pag-unlad, at pagtutol sa anumang agresyon. (report by Bombo Jai)