-- Advertisements --

Nanawagan ang Philippine Constitution Association (PHILCONSA) sa Kataastaasang Hukuman na muli nitong suriin ang naging desisyon hinggil sa Impeachment kontra kay Vice President Sara Duterte.

Sa apat na pahinang opisyal na pahayag ng samahan, nakapaloob rito ang kanilang panawagang mabalikan ng Korte Suprema ang deklarasyon nito sa ipinasang Impeachment Complaint ng Kamara.

Kung saan inihayag din ng naturang grupo ang mariin at seryosong pag-aalala ukol sa naturang desisyon ng Korte Suprema.

Naniniwala kasi ang PHILCONSA na nagkaroon ng kakulangan o kawalan ng sapat na batayan sa kinalabasan nitong ‘deklarasyon’ kasunod ng hindi umano makakuha ng kaukulang ulat o ‘facts’ mula sa Senado at Kamara.

Kaya’t kanilang hinimok ang Korte Suprema na muling siyasatin ang pinagbasehang batayan partikular sa naging ‘procedural aspect’ ng desisyon.

Habang kasabay din nito ang inihayag nilang ‘grave concern’ ukol sa ‘imposition’ ng panibagong pitong mga panuntuan ng Korte Suprema na dapat sundin ng Kamara sa pagpapasimula ng impeachment complaint.

Bagama’t nirerespeto anila ito, kanilang sinabi na ito’y nilalabag ang mandato ng batas na nakasaad na dapat mayroong ekslusibong kapangyarihan ang House of Representatives ukol sa ‘initiation’ ng Impeachment.

Ngunit sa kabila nito, sa eklusibong panayam naman ng Bombo Radyo kay Atty. Jennifer Arlene Reyes, isang Constitutional Law Book Author at Law Professor, kanyang iginiit na dapat igalang ang naging deklarasyon ng Korte Suprema.

Naniniwala kasi ang naturang abogado na dapat sundin ng Senado ang desisyon ng Kataastaasang Hukuman hinggil sa ‘impeachment’ laban sa ikalawang pangulo ng bansa.

Kahit pa aniya hindi siya sang-ayon sa naturang desisyon kanyang binigyang diin ang kahalagahan nito at ang Constitutional Supremacy ng Korte Suprema.

Nag-ugat ang samu’t saring reaksyon at opinyon ng iba’t ibang mga propesyunal o maging ng publiko nang ilabas ng Korte Suprema ang desisyon nito hinggil sa petisyong inihain nina Vice President Sara Duterte, Atty. Israelito Torreon at iba pa laban sa Kamara.

Kung saan idineklara ng Supreme Court ang ‘Articles of Impeachment’ bilang unconstitutional matapos makataan ng paglabag sa 1 year ban rule at hindi pagsunod sa pagkakaroon ng ‘due process’.

Bunsod nito’y ipinawalang bisa na ng Korte Suprema ang naturang impeachment na siyang dahilan upang maipahinto ang pagsasagawa ng paglilitis ngayong taon.