-- Advertisements --

Nilinaw ng aktres na si Kylie Padilla ang isang viral video kung saan siya’y nagbiro tungkol sa posibilidad na tumakbo ang kanyang ama, si Robin Padilla, bilang Bise Presidente sa 2028.

Ayon sa kanya, hindi niya intensyon na insultuhin ang kanyang ama.

Sa kanyang post sa X (dating twitter), sinabi ni Kylie: “I only meant that aalis po ako ng Pilipinas kasi gusto ko ng tahimik na buhay. It was not a comment meant to insult my father, because I trust in his judgment and in all the good he is doing for this country.”

Ginawa niya ang paglilinaw matapos makatanggap ng batikos mula sa ilang netizens na nag-interpret ng kanyang biro bilang pambabastos sa ama.

Ang biro ay nagmula sa isang panayam kung saan tinanong siya kung ano ang reaksyon niya kung tatakbo ang kanyang ama sa eleksyon. Sagot niya: “Aalis na ‘ko ng Pilipinas. I have no reaction but aalis na ‘ko ng Pilipinas.”

Inulit pa niya ang biro: “Aalis na po ako ng Pilipinas. Yun lang po ang comment ko. I trust in my father’s judgement. Yun lang.”

Ayon kay Kylie, karapatan rin niya na piliin ang buhay na tahimik at payapa.

Ito ay kasunod ng pahayag ni Robin Padilla noong Pebrero 20 na bukas siya sa posibilidad na tumakbo bilang Bise Presidente at maging running mate ni Vice President Sara Duterte, kung hihilingin ito ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.