Nangako ng hustisya ang Philippine Army kasunod ng pagkamatay ng isang bagitong sundalo habang isinasagawa ang traditional reception ceremony sa headquarters ng 6th Infantry Battalion (6IB) sa Datu Piang, Maguindanao del Sur.
Hulyo-31 nang biglang nag-collapse ang 22-anyos na si Private Charlie Patigayon sa kalagitnaan ng reception ceremony. Tuluyan din siyang idineklarang patay kinalaunan.
Ayon kay Army spokesperson Col. Louie Dema-ala, agad naglunsad ng pagsisiyasat ang hukbo sa pangunguna ng 6ID upang matukoy ang dahilan ng pagkasawi ng baguhang sundalo.
Sinusunod aniya ng PA ang ‘zero-tolerance policy’ sa mga aktibidad na nagiging banta sa kapakanan at at buhay ng mga personnel, salig na rin sa itinatakda ng Anti-hazing Act of 2018.
Pansamantala na ring tinanggal ang mga sundalo na posibleng sangkot dito habang gumugulong ang sinimulang umbestigasyon. Kabilang dito ang ilang senior personnel ng naturang army division at mahigit 20 iba pang mga sundalo.
Batay sa opisyal na military report, nag-collapse si Patigayon sa kalagitnaan ng reception rites na isinagawa sa umaga ng Hulyo-31. Agad din siyang dinala sa Camp Siongco Hospital sa loob ng 6ID.
Kinabukasan, idineklara na siyang patay habang lumalabas sa medical findings na kidney failure ang dahilan ng kaniyang pagkasawi.
Bagaman walang inisyal na sinyales ng physical abuse, tinitingnan sa imbestigasyon kung inabuso ang sundalo na naging dahilan ng kaniyang tuluyang pagkamatay bago pa man matapos ang opisyal na reception rites.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang pulisya, habang hinihintay din ang autopsy report sa pagmatay ng bagitong sundalo.