-- Advertisements --

Nagsampa ang National Bureau of Investigation (NBI) ng kasong cyber libel at iba pang kaugnay na reklamo sa Department of Justice laban kina Jay Sonza at Jeffrey Celiz o “Ka Eric Celiz” dahil sa umano’y pagpapakalat ng pekeng medical records ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon sa NBI, nagsagawa ang kanilang Cybercrime Division ng cyber-surveillance noong Enero at natukoy ang mga post noong Enero 28 at 29 na naglalaman umano ng CT-scan report at mga larawan ng Pangulo, na kumukuwestiyon sa kanyang “fitness for duty” at nagsasabing lumalala ang kanyang kondisyon.

Bagama’t may mga post na binura o nilimitahan, napanatili ng mga imbestigador ang ebidensya sa pamamagitan ng digital forensics at natunton ang pagkalat nito sa social media at YouTube.

Inirekomenda ang pagsasampa ng kaso sa ilalim ng Section 4(c)(4) ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, at Article 154 ng Revised Penal Code.

Binigyang-diin ni NBI Director Angelito Magno na bagama’t protektado ang kalayaan sa pagpapahayag, hindi ito dapat gamitin sa pagpapakalat ng mali o mapanirang impormasyon na maaaring makasira sa isang tao at sa tiwala ng publiko.