-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Ikinalulungkot ng mga ambassador ang pagkamatay ni Philippine Ambassador to Lebanon Bernardita Catalla dahil sa coronavirus disease 2019.

Ayon sa statement na inilabas ng Department of Foreign Affairs, si Ambassador Catalla ay pumanaw ngayong Abril 2 dahil sa komplikasyon dulot ng COVID 19.

Dahil dito, siya ang pinakaunang Pinoy senior career diplomat sa active service na namatay dahil sa nabanggit na sakit.

Ang 52-anyos na si Catalla ay nakapagsilbi rin sa key post sa Kuala Lumpur, Malaysia at Jakarta, Indonesia at naging passport director din sa DFA.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Philippine Ambassador to Belgium, Luxembourg and European Union government Eduardo de Vega, aktibo sa trabaho si Catalla, masipag na diplomat at palaging nakangiti.

Palagi rin aniyang iniisip ng diplomat ang kabutihan ng mga overseas Filipino workers.

Si Catalla ay umuwi sa Pilipinas noong nakaraang mga linggo at nagkasakit dalawang araw matapos itong bumalik sa Lebanon kaya’t tinitingnang nadapuan ito ng virus sa Pilipinas o sa mga kasamang pasahero sa eroplano.

Aminado ang male ambassador na palaging optimistic si Catalla kaya’t umaasa ito na hindi naging painful ang mga huling araw nito habang nasa ospital.

Ayon kay de Vega, ang pagpanaw ni Catalla ay gagamitin nilang leksyon na dapat doblehin ang pag-iingat.