Ipinahayag ng Capital Economics na maaaring hindi maabot ng Philippine economy ang Gross Domestic Product (GDP) targets nito hanggang 2027 dahil sa patuloy na isyu sa anomalya sa flood control projects.
Inaasahang aabot lamang sa 4% ang paglago ng GDP ngayong 2025, mas mababa sa target ng gobyerno na 5.5–6.5%.
Unti-unti itong tataas sa 4.5% sa 2026 at 5% sa 2027, ngunit nananatiling mas mababa sa target na 6 hanggang 7%.
Binanggit naman ni Gareth Leather ng Capital Economics na ang corruption scandal ay patuloy na magpapabigat sa bansa sa mga susunod na quarters at posibleng mag-trigger pa ng karagdagang rate cuts mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Kasabay nito, iniulat ng ANZ Research na ang ekonomiya ng Pilipinas ay inaasahang lalago ng 4.8% ngayong taon dahil sa pagtitipid ng pamahalaan at masusing pag-iimbestiga sa mga public infrastructure projects.
Nabatid na sa ikatlong quarter, bumagal naman ang paglago ng ekonomiya sa 4%, pinakamabagal mula noong COVID-19. Bumaba rin ang government spending sa P430.6 billion noong Oktubre, pagbaba ng 7.76% mula noong nakaraang taon.
Sa kabila nito, mababa ang inflation projections na inaasahang umabot sa 1.6% ngayong taon at tataas lamang sa 2.4% sa 2026, ayon sa Capital Economics.
Ito rin ang nagbukas ng posibilidad ng karagdagang monetary easing, habang nagpapatuloy ang BSP sa pagbaba ng key policy rate sa 4.5%.
















