-- Advertisements --

Kabilang ang Pilipinas sa pinakamalakas na tourism economies sa ASEAN matapos manguna sa ambag ng turismo sa ekonomiya at mapabilang sa top job generators sa rehiyon.

Ito ay ayon sa 2025 World Travel and Tourism Council (WTTC) Economic Impact Report na inilahad sa kamakailang ginanap na ASEAN Tourism Ministers’ Meeting sa Cebu.

Batay sa ulat, nanguna ang Pilipinas sa tourism gross domestic product (GDP) na umabot sa USD91.8 bilyon na siyang pinakamataas sa ASEAN na katumbas naman ng 19.9 porsyento ng kabuuang ekonomiya ng bansa.

Sa sektor ng trabaho, kabilang din ang bansa sa mga nangungunang tourism job generators sa rehiyon, na may humigit-kumulang 11.22 milyong Pilipino o 23 porsyento ng kabuuang employment na umaasa sa turismo para sa kabuhayan.

Ayon kay Department of Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, pinatutunayan ng datos ang mahalagang ambag ng turismo sa pambansang pag-unlad at ang patuloy na pagsisikap ng kagawaran na palakasin ang sektor at tiyaking ramdam ng mga komunidad ang benepisyo ng paglago nito.