Tiwala ang Malacañang na hindi makakaapekto ang pinakahuling diplomatic protest ng Pilipinas sa China sa ginagawang ugnayan ng dalawang bansa para sa COVID-19 vaccine.
Pahayag ito ni Presidential Spokesman Harry Roque kasunod ng anunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagpadala ang bansa ng diplomatic protest sa China dahil sa pagkumpiska ng Chinese Coast Guard sa mga fishing devices na in-install ng mga Pilipinong mangingisda sa Bajo de Masinloc noong Mayo.
Nakasaad rin sa protesta ang pagtutol ng bansa sa patuloy na radio challenges laban sa mga Philippine aircrafts na nagsasagawa ng lehitimong regular na maritime patrol sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Sec. Roque, ang mga protesta na ipinadadala ng Pilipinas ay ginagawa ng bansa sa oras na nagkakaroon ng paglabag sa ating soberanya.
Gayunpaman, hindi umano ito makakaapeto sa kabuuang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa China at sa matalik na pagsasamahan ng dalawang bansa.