-- Advertisements --

Pinabulaanan ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office Chief PBGen. Randulf Tuano na walang naitatalang pagtaas ng crime rate sa bansa batay sa abisong inilabas ng Chinese Embassy.

Ani Tuano, inatasan na ni Acting Chief PNP PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang Director for Intelligence ng Pambansang Pulisya na makipagugnayan sa embahada upang alamin kung anong mga impormasyon ang kanilang naging batayan para ilabas ang warning sa publiko.

Paliwanag ni Tuano, hindi lumalala ang krimen sa bansa bagkos ito daw ay bumababa dahil sa mas pinalakas at pinaigting na mga operasyon ng pulisya upang masugpo ang krimen.

Batay sa datos ng PNP nasa 16.5% ang ibinaba ng mga naitatalang krimen sa kasalukuyan kumpara noong Enero hanggang Agosto ng nakaraang taon na umabot sa 26,969 ang bilang ng mga naitatalang krimen sa bansa.

Dagdag pa dito ang mga naitalang insidente ng kidnaping na pawang mga Chinese ang suspek at Chinese rin ang nagiging biktima na pumalo sa halos 21 na naitalang insidente.

Samantala, nanindigan naman ang PNP na hindi nila huhulaan ang mga naging batayan ng embahada para sa paglalabas ng pahayag at patuloy na aalamin ang eksaktong detalye ng pinagmulan ng datos ng Chinese Embassy.