Inihayag ng kasalukuyang kalihim ng Department of Justice na si Sec. Jesus Crispin Remulla, na mayroon umanong isang aktibong Heneral ng Pulisya ang siyang nasasangkot rin sa isyu ng ‘missing sabungeros case’.
Ayon sa naturang Justice Secretary, ang nabanggit na opisyal ng Philippine National Police ay siyang tumulong sa mga suspek sa pagkawala ng mga sabungero.
Aniya’y itinalaga pa raw ito bilang Regional Director na siyang kanyang iginiit na hindi nararapat ang pagkakalagay sa puwesto.
Kanyang ibinahagi na sa pagkakalipat ng heneral na ngayo’y regional director na ay sinama pa nito ang mga suspek bilang kabahagi ng kanyang opisina.
Ngunit sa kabila nito’y hindi muna isiniwalat o ibinahagi ni Justice Secretary Remulla ang ngalan ng naturang heneral sa kasalukuyan.
“Isa pang heneral na ginawang Regional Director na hindi dapat inilagay sa pwestong iyon. Kasi siya yung naging, nagbigay ng tulong at ayuda sa mga suspek dito sa missing sabungeros case,” ani Sec. Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.
“Basta nung sila’y lumipat yung heneral ng opisina, kinuha niya itong mga ito to be under his wing, yung mga suspects ng missing sabungero case,” dagdag pa ni Justice Secretary Remulla.
Bukod sa aktibong heneral, maalalang nabanggit rin ng naturang kalihim ang patungkol sa ipinataw na suspensyon kay former Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group Director General Romeo Macapaz.
Kung saan ikinatuwa ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang kanyang pagkatuwa ng isyuhan ng National Police Commission ang opisyal ng 90-day preventive suspension.
Giit kasi ng kalihim na may tangka umano kasi itong panibaguhin ang teorya ng imbestigasyon sa pagkawala ng mga sabungero.
Samantala, inihayag naman ni Department of Justice Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na ngayong linggo na inaasahan ang pag-isyu ng subpoena hinggil sa ‘missing sabungeros case’.
Aniya’y nang matapos ang ‘evaluation’ sa reklamong inihain ng mga kaanak ng nawawala, kasunod na nito ang pagpapadala ng ‘subpoena’ sa mga respondents.
Kabilang rito ang negosyanteng si Charlie ‘Atong’ Ang na maaalalang mariin ng pinabulaan ang pagkakasangkot sa isyu.