-- Advertisements --

Naglabas ng abiso ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila sa mga motorista hinggil sa nakatakdang ‘road closures’ sa lugar.

Inabisuhan ang mga nakasasakyan na gumamit ng mga alternatibong ruta sapagkat pansamantalang isasara ang ilang kalsada.

Ito’y upang magbigay daan sa gaganaping Bar Examinations ngayong taon.

Nakatakdang isara ang ilang mga kalsada sa paligid ng University of Santo Toma at San Beda University mula bukas ika-7 ng Setyembre at sumunod na mga araw o linggo ng ika-10 at 14 ng Setyembre.

Simula alas-dos ng madaling araw hanggang alas-siyete ng gabi, nakasara ang bahagi ng Mendiola St, Concepcion Aguila St, at parte ng Legarda St.

Habang sa lugar naman ng University of Santo Tomas, isasara ang Dapitan St. sa mga naka-skedyul na araw ng eksam sa ganap na 2:00 a.m. hanggang 7 p.m.

Gayundin ang bahagi ng España Boulevard ay isasara rin mula alas-dos ng madaling araw hanggang alas-otso ng umaga at 3:00 p.m. hanggang 7:00 p.m. sa examination days.

Alternatibong ruta at daan ay sa Lacson Avenue, Laong Laan Avenue at iba pa nakalagay sa abiso ng lokal na pamahalaan sa Maynila.