-- Advertisements --

Naglaan ang administrasyon ni US President Donald Trump ng pondo para sa Pilipinas sa paglaban sa iligal na pangingisda sa pinagtatalunang karagatan.

Sa pagbisita ni Principal Deputy Assistant Secretary of State for East Asian & Pacific Affairs Jonathan Fritz sa bansa, tiniyak niya na gagamitin ang US foreign aid sa paglabas sa iligal na pangingisda, pagtatayo ng matatag na secktor ng enerhiya at pagpapabuti ng business environment sa bansa.

Partikular din na tinukoy ng opisyal na isa sa kanilang pangunahing pagtutuunan ay sa fisheries. Inihayag ng US official na isang mahalagang parte ng ekonomiya ng Pilipinas ang industriya ng pangisdaan, subalit may ilang karatig na bansa aniya ang nangungulimbat ng yamang isda ng mamamayang Pilipino.

Ito aniya ang dahilan kayat tututukan nila sa kanilang foreign assistance programming ang pagtulong sa Pilipinas na mas mabantayan ng mabuti ang iligal na pangingisda at matukoy ang mga barkong hindi sa Pilipinas na kumukuha ng resources ng mamamayang Pilipino nang walang pahintulot.

Ibinunyag din ni Fritz na makikipagtulungan sila sa mangingisdang Pilipino para gawing front line, “mata at tenga” na magpapaalam ng real-time information sa mga lokal na pamahalaan at sa national government kaugnay sa illegal fishing, pagkasira ng coral reef, marine pollution at iba pa.

Ang mga Pilipino aniya ang apektado sa illegal fishing mula man sa China o ibang nasyon na iligal na nangingisda sa katubigan ng ating bansa.

Kinumpirm din ng US official na nakatutok ang pagpapatupad ng mga programa sa mga probinsiya malapit sa disputed waters.

Matatandaan, nauna ng inanunsiyo ni Secretary of State Marco Rubio noong Hulyo ang pagbibigay ng US sa PH ng bagong foreign assistance na nagkakahalaga ng $63 million o tinatayang P3 billion.