Nagpaabot ng interes ang Pilipinas sa clinical trial ng COVID-19 vaccine na dine-develop ng Oxford University sa United Kingdom.
Sinabi ni Philippine Ambassador to London Antonio Lagdameo, layunin ng clinical trial na malaman kung ligtas ang mabisa ang nasabing bakuna laban sa COVID-19.
Ginawa ni Amb. Lagdameo ang pahayag matapos pumayag ang pharmaceutical company na AstraZeneca na mag-supply sa Europe ng hanggang 400 million doses ng Oxford COVID-19 vaccine na nakatakdang magsimula ang delivery sa katapusan ng taon.
Ang nasabing kompanya ay mayroon ding kahalintulad na agreement sa UK, United States at iba pang organisasyon.
Noong nakaraang buwan, inianunsyo ng Oxford University na nasa phase 2/3 clinical trial na ang bakunang AZD1222 sa nasa 10,000 katao sa UK.