Kapwa pinagtibay ng Philippine Army at Philippine Navy ang kanilang commitment sa konstitusyon sa gitna ng umano’y usap-usapan sa nilulutong destabilisasyon.
Ginawa ng dalawang Hukbo ang pahayag isang araw bago ang nakatakdang 3-day rally na ilulunsad ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) at iba pang grupo na pinangungunahan ng mga retiradong opisyal ng militar at ng ilang religious sector.
Sa isang statement, binigyang diin ni Army Commanding General Lt. Gen. Antonio Nafarrete na sa gitna ng naglipanang walang basehang mga espekulasyon, buo silang sumusuporta at tumatalima sa commitment ng Armed Forces of the Philippines para sa integridad, pagkakaisa at paggalang sa civilian authority.
Iginiit naman ng Army official na kanilang mariing tinututulan ang iligal at labag sa batas na mga aksiyon na nakakasira sa pambansang seguridad at katatagan.
Umapela rin si Nafarrete sa mga organizer ng mga rally at anti-corruption protests na isasagawa sa Nobiyembre 30 na maging responsable para sa kapakanan at kaligtasan ng mga dadalo, para matiyak ang mapayapa at ligtas na pagpapakita ng kanilang kalayaan sa pananalita at pagpapahayag.
Sa hiwalay namang pahayag, pareho din ang panawagan ni Navy Vice Adm. Jose Ma. Ambrosio Ezpeleta sa mga magproprotesta na tiyaking ligtas, payapa at tunay sa kanilang layunin ang idaraos na rally.
Nanawagan din ang Navy official sa mga Pilipino na masusing beripikahin muna ang impormasyon na maaaring makaapekto sa kaligtasan ng publiko upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad.
Kapwa din iginiit ng Army at Navy na mananatili silang propesyunal at non-partisan.















