-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagiging neutral ang International Criminal Court (ICC) Prosecution sa hiling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na i-diskwalipika ang tatlong abogado ng drug war victims.

Ipinaalam ito ng prosekusyon sa ICC Pre-Trial Chamber I sa pamamagitan ng tatlong pahinang dokumentong nilagdaan ni Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang na may petsang Pebrero 16.

Subalit, sakali man aniyang kailangan nitong tulungan ang Chamber sa pagkonsidera sa request ng depensa, sinabi ng prosekusyon na hindi ito dedepende sa redacted document para sa confirmation of charges hearing.

Matatandaan, noong Pebrero 11 nang humiling ang kampo ng dating Pangulo na iutos ng ICC Pre-Trial Chamber I sa ICC Registry na ipawalang bisa ang pagtatalaga sa tatlong legal representatives ng mga biktima ng war on drugs na sina Atty. Joel Butuyan, Atty. Gilbert Andres at Atty. Nicolene Arcaina dahil umano sa conflict of interest.

Hiniling din ng legal team ng dating Pangulo sa Chamber na atasan ang Registry na suspendihin ang access ng tatlong abogado sa rekord ng kaso habang nakabinbin ang desisyon.