-- Advertisements --

Target ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) Asia na makapagkapon ng 10,000 hayop ngayong 2026.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Jana Sevilla, senior campaigner ng PETA Asia, sinabi niya na ito’y bahagi ng kanilang kampanya upang maiwasan ang mga hindi inaasahang pagbubuntis at ang patuloy na problema ng mga stray animals sa kalye.

Sinabi pa ni Sevilla na sa pamamagitan ng kanilang mga “spay day” kung saan kabilang ang pagbibigay ng bakuna at paggamot sa mga alaga sa komunidad, nakamit nila ang malaking bilang ng mga naipakapon na hayop noong 2025, na umabot sa 7,000.

“Ang pokus namin is to be able to do our spay day. Ito yung nagpupunta kami sa iba’t ibang barangay pero sa Metro Manila pa naman ito. Pupunta kami dyan every 2-3 weeks. Nakakapagkapon kami ng halos 600-700 animal in one day. Binigyan namin ng bakuna, treatment kung may sakit at yun pa rin yung pa rin ang target namin sa 2026,” saad ni Sevilla.

Bukod dito, hinimok ni Sevilla ang publiko na mag-ampon ng mga hayop mula sa mga shelter, sa halip na bumili ng mga alaga, upang mabigyan ang mga ito ng bagong buhay at mapabuti ang kanilang kalagayan.

Aniya, ang mga ampon na hayop ay may kakayahan din namang magbigay ng pagmamahal at loyalty.

Umaasa naman ang grupo na makamtan nila ang kanilang target na 10,000 na hayop at makatanggap ng suporta mula sa publiko para maisakatuparan ang kanilang layunin ngayong taon.

“Kung nagbabalak naman tayo na bumili ng alagang mga aso at pusa, wag tayong bumili kundi mag-ampon mula sa mga shelter. Marami po tayong mga aso at pusa na naghihintay na maampon sila, sana mabigyan sila ng chance ngayong 2026. Kapon, ampon, don’t buy. Adopt, don’t shop,” dagdag pa nito.