-- Advertisements --
20200911 190228

Posibleng sa susunod na linggo na raw babalik sa kanilang bansa si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton matapos pagkalooban ng absolute pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Atty. Rowena Garcia-Flores, abogado ni Pemberton, sinabi nitong aabutin pa raw kasi ng tatlong araw hanggang isang linggo ang swab test result ng Amerikano.

Base kasi sa Bureau of Corrections (BuCor) protocol, kailangan munang isailalim sa covid test si Pemberton bago ito uuwi.

Sa ngayon nananatili raw sa kanyang detention facility sa Kampo Aguinaldo ang sundalo habang hinihintay na makauwi sa kanilang bansa.

Una rito, inilipat na sa Bureau of Immigration (BI) ang kustodiya kay Pemberton mula sa Bureau of Corrections (BuCor) pero nananatili namang nakaditine si Pemberton sa Camp Aguinaldo.

Sinabi naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na ang pagbibigay ng absolute pardon kay Pemberton matapos ang pagpatay sa Filipino transgender woman na si Jennifer Laude ay isang isyung “closed” na.

Aminado rin si Guevarra na hindi talaga niya alam ang motibo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paggawad ng pardon kay Pemberton at iginiit na ang desisyon ay prerogative na raw ng pangulo.