Arestado at kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang personalidad na siyang itinuturing na missing link sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Napagalaman ng mga otoridad na pawang mga kapatid ng whistleblower sa kaso na si Julie “Dondon” Patidongan ang mga nahuli na siyang kinilala naman bilang sina Elakim at Jose Patidongan. Magugunita naman na nauna na dito ay mga nabanggit na ang whsitleblower na si Julie “Dondon” Patidongan hinggil sa dalawang personalidad na kilalang-kilala niya na siyang sangkot din sa mga nawawalang sabungero ngunit hindi niya ito pinangalanan.
Sa isang pulong balitaan sa Kampo Krame ngayong umaga ay ipinaliwanag ni PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo na nahuli ang dalawa sa isang bansa sa bahagi ng Southeast Asia matapos na gumamit ng alias sa kani-kanilang mga pasaporte na siya namang itinuturing na isang malaking paglabag sa batas.
Matapos matunton ang kinaroroonan ng magkapatid ay agad na nagkasa ng isang operasyon ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pangunguna ni dating CIDG Director PBGen. Romeo Macapaz dahilan para maaresto at maibalik sa bansa ang dalawa nitong Hulyo 22.
Agad namang ipinaliwanag ni Fajardo ang naging partisipasyon ng dalawa sa kaso ng mga nawawalang sabungero kung saan si Elakim umano ang siyang nag-withdraw sa ATM account na pagmmay-ari ng isa sa mga sabungero habang si Jose naman ang siyang nakuhanan ng video na umano’y naging escort sa isa sa mga kinidnap na sabungero.
Nanindigan naman din si Fajardo na lehitimo ang kanilang ikinasang operasyon at ang kanilang naging pagaresto matapos na mapagalaman na mayroon ding mga outstanding warrant of arrest ang magkapatid sa ilalim ng magkaibang paglabag.
Ang operasyon naman ay mayroong malalim na koordinasyon sa Bureau of Immigration (BI) at aprubado rin ng kanilang Case Operational Plan upang tahimik na maresto ng mga otoridad ang dalawang suspek.
Nanindigan naman si Fajardo na bilang isang legal strategy kinailangan silang i-discharge bilang state witness at sampahan ng kaso dahil sa mga naging malalim na partisipasyon nila sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Samantala, dahil naman sa pagkakahuli ng dalawa ay mas naging kumpiyansa at naniniwala ang Pambansang Pulisya na mas mabibigyan ng linaw ang kaso ng mga nawawalang sabungero bilang mga kritikal na bahagi ng imbestigasyon ang kanilang mga naging partisipasyon.