Inanunsyo ng Bureau of Immigration (BI) na magsasampa ito ng deportation case laban sa isang 41-anyos na Chinese national na umano’y nag-import ng luxury vehicles ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, inaresto ang suspek noong Nobyembre 27 sa Makati dahil sa illegal use of alias, obstruction of apprehension, false representation, at misrepresentation of material information. Siya ay kasalukuyang nakadetine sa Special Operations Division ng Highway Patrol Group sa Camp Crame.
Iniimbestigahan ng Land Transportation Office (LTO) ang paggamit ng suspek ng ibang pangalan sa mga record, at binigyang-diin na ang paggamit ng pekeng identidad ay nagpapakita na ang isang dayuhan ay “undesirable” sa bansa.
Dagdag pa ni Viado, ililipat ang suspek sa BI facility sa Taguig matapos ang inquest at medical examination. Kung mapatunayan ang mga kaso, haharap siya sa deportation at blacklisting.
















