-- Advertisements --

Inihain na ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang panukalang batas na magbabawal sa mga kamag-anak ng opisyal ng gobyerno na maging supplier o contractor ng mga proyekto ng pamahalaan.

Kumpiyansa si Escudero na ang Senate Bill No. 783 na kanyang inihain ay lalo pang magpapatibay sa mga pananggalang ng bansa laban sa katiwalian. 

Sinasaklaw nito ang mga transaksyong may kinalaman sa suplay, imprastruktura, joint ventures, at public-private partnerships, maliban na lamang sa mga kontratang itinuturing na highly technical, proprietary, o confidential.

Ipinaliwanag din ni Escudero sa panukala ang saklaw ng salitang “opisyal ng gobyerno,” na kinabibilangan ng mga may tungkuling bumuo ng polisiya, mangasiwa, o pamunuan — mapa-career man o non-career service — kabilang na ang mga nasa hanay ng military at uniformed personnel. 

Inaatasan ng panukala ang Government Procurement Policy Board, Department of the Interior and Local Government (DILG), Public-Private Partnership Center, at Governance Commission for GOCCs na bumalangkas ng mga patakaran at alituntunin para sa implementasyon nito sa loob ng 60 araw mula sa bisa ng batas.

Umaasa naman ang senate president na maisasama ang panukalang ito sa Common Legislative Agenda ng 20th Congress sa pamamagitan ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).