Narekober ng Philippine National Police (PNP) ang mga bagong buto na posibleng human remains sa Taal Lake mula sa nakalipas na dalawang araw ng search and retrieval operations sa Batangas.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo, ang mga buto ay isasailalim sa masusing pagsusuri upang malaman kung ito ba ay pawang mga mula sa tao.
Paliwanag ng tagapagsalita, kung sakaling mapatunayang ang mga buto ay mula sa tao ay agad na sasailalim ito sa cross matching sa mga DNA samples na mula sa mga kaanak ng mga nawawalang sabungero na mayroon ngayon ang kanilang tanggapan.
Samantala, maliban naman sa mga buto ay narekober rin ang mga personal na kagamitan ng mga biktima gaya ng damit, tsinelas, sapatos, sombrero, at hoodie.
Nanawagan naman si Fajardo sa mga kaanak ng ibang mga biktima na nakakakilala sa mga kagamitan at kasuotan na narekober ng mga otoridad kasama ang mga nakuhang buto na ipagbigay alam agad sa kanilang tanggapan kung ito ay pagmamay-ari ng kanilang mga nawawalang kapamilya.
Maari lamang aniya na magtungo sa PNP para sa pagsailalim ng pagkuha ng DNA samples para sa cross matching.