-- Advertisements --

Agad nagpatawag ng pagpupulong ang Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Council kasunod ng tsunami warning na inilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Kabilang ang mga baybayin ng Batanes, Cagayan, at Isabela sa mga lugar na posibleng makaranas ng hanggang isang metrong taas ng alon dahil sa Mag. 8.8 na lindol sa Russia.

Kasama rin dito ang mga katabing coastal province tulad ng probinsya ng Aurora sa Region 3 at Ilocos Norte sa Region 1.

Ayon sa RDRRMC, agad itong naglabas ng abiso sa coastal communities na lumayo muna sa mga dalampasigan at iwasan ang mga marine activities.

Pinapalikas din ang mga mamamayan na nakatira sa mga lugar na malapit lamang sa mga karagatan para sa kanilang kaligtasan.

Kasama sa pulong ng konseho ang pagpapadala ng mga Philippine Coast Guard (PCG) personnel sa coastal communities upang magsagawa ng patrol operations at bantayan ang mga residente.

Bagaman nakasaad sa warning na inilabas ng Pacific Tsunami Warning Center na posibleng maramdaman ang tsunami mula ala-1:20 PM hanggang 02:40 ng hapon, hindi isinasantabi ng konseho na posibleng magpatuloy pa ang mataas na alon sa loob ng ilan pang oras.