-- Advertisements --

Muling nagpakita ng aktibidad ang Mt. Kanlaon ngayong umaga, matapos maitala ang pagbuga ng abo mula sa crater ng bulkan mula 7:30 AM hanggang 7:42 AM, batay sa time-lapse footage na nakuha ng Kanlaon Volcano Observatory – Canlaon City (KVO-CC) gamit ang kanilang IP camera.

Ayon sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang naturang pagbuga ay lumikha ng abo at usok na kulay abuhin na umabot sa taas na 300 metro mula sa bunganga ng bulkan bago ito tinangay ng hangin patungong timog-kanluran.

Kaugnay nito, nananatiling nakataas ang Alert Level 2 sa bulkan, na nangangahulugang may patuloy na moderate level ng volcanic unrest.

Ipinapaalala ng PHIVOLCS na ang ganitong alert level ay indikasyon ng posibleng phreatic eruptions o biglaang pagsabog na maaaring magdulot ng panganib sa mga nasa paligid ng bulkan.

Ang Bulkang Kanlaon, na matatagpuan sa hangganan ng Negros Occidental at Negros Oriental, ay isa sa mga pinaka-aktibong bulkan sa bansa.

Noong mga nakaraang taon, ilang beses na rin itong nagpakita ng aktibidad, kabilang ang mga phreatic eruptions na nagdulot ng pansamantalang paglikas sa ilang mga komunidad.

Pinapayuhan ng mga awtoridad ang publiko, lalo na ang mga residente sa paligid ng bulkan, na iwasan ang paglapit sa 4-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan at ng PHIVOLCS.

Patuloy ang mahigpit na pagmamanman sa bulkan upang agad na makapagbigay ng babala sakaling lumala ang aktibidad nito.