-- Advertisements --

Naglabas ng abiso ang state weather bureau dahil sa tropical storm Ada.

Ayon sa ulat, tatama sa silangang baybayin ng Southern Luzon ang bagyo mula Enero 16 hanggang 17, na magdadala ng malakas hanggang matinding pag-ulan na aabot sa 100–200mm.

Dahil dito, nagbabala ang Department of Science and Technology–Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) na maaaring magdulot ng lahar o daloy ng putik at volcanic sediment sa mga ilog at daluyan ng tubig sa paligid ng Bulkang Mayon.

Pinayuhan ng ahensya ang mga komunidad sa Albay na magdoble ng pag-iingat at maging handa sa posibleng panganib.

Ang malakas na ulan ay maaaring magpalitaw ng syn-eruption lahars sa mga pangunahing kanal na dumadaloy mula timog hanggang silangang bahagi ng bulkan.

Ito ay dahil sa mga bagong pyroclastic density current (PDC) deposits mula sa kasalukuyang pag-aalboroto ng Mayon.

Kabilang sa mga lugar na maaaring maapektuhan ang Mi-isi, Bonga at Basud Gullies, na posibleng magpakawala ng maiinit na lahar sa Mi-isi at Binaan Channels sa Daraga; Mabinit, Bonga, Matanag, Buyuan at Padang sa Legazpi City; at Lidong at Basud Rivers sa Sto. Domingo. Ang maiinit na lahar ay maaaring magdulot ng matinding paso at panganib sa buhay.

Bukod dito, ang mga lumang deposito mula sa nakaraang pagputok sa kanlurang bahagi ng bulkan ay maaari ring ma-remobilize bilang non-eruption lahars sa Masarawag, Maninila at mga kaugnay na kanal sa Guinobatan.

Ang mga lahar mula sa Mayon ay maaaring magbanta ng pagbaha, pagguho, pagkakabaon ng mga kabahayan, at pag-agos ng malalaking bato na maaaring umabot hanggang sa dagat sa silangang bahagi.