-- Advertisements --

Magsasagawa muna ng pagberipika ang panig ng Pilipinas hinggil sa katotohanan sa likod ng napaulat na pag-tow o paghatak umano ng barko ng China Coast Guard (CCG) sa barko ng Pilipinas matapos ang umano’y komprontasyon sa Ayungin shoal.

Ito ang inihayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro nang matanong sa inilabas na video mula sa isang Hong Kong-based English language newspaper (South China Morning Post) nitong Biyernes, Agosto 1 na iniulat ang umano’y mainit na komprontasyong nangyari sa shoal habang hinahatak palayo ng CCG ang isang “infringing vessel”.

Kumalat din ang naturang anim na minutong video sa isang online page na nagpapakita ng naturang komprontasyon subalit walang petsa kung kailan ito nangyari.

Sa ngayon, wala pa aniyang impormasyon ang defense department hinggil sa insidente at hindi pa napapanood ang naturang video subalit susuriin pa aniya nila ang mga detalye bago magplano sa kanilang magiging hakbang.