Nagpaputok ng tatlong flares ang Chinese forces mula sa Subi o Zamora Reef patungo sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) aircraft nang nagsagawa ito ng routine Maritime Domain Awareness (MDA) flight sa Kalayaan Island Group (KIG) nitong weekend.
Kasama ng BFAR ang Philippine Coast Guard (PCG) sa naturang misyon na parte ng lehitimong mandato para protektahan ang maritime jurisdiction ng bansa at kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino.
Sa isang statement, iniulat ni PCG spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela na walang nasaktan sa insidente at nagpatuloy ang flight ng Cessna Grand Caravan ng BFAR.
Wala pang pahayag ang China, ngunit matagal na nitong iginigiit ang pag-aangkin sa halos buong disputed waters at gumagamit ng flares bilang babala sa mga dayuhang sasakyang panghimpapawid.
Sa patrol flight, namataan din ng Philippine aircraft ang isang Chinese hospital ship, 2 Chinese Coast Guard vessel, at 29 na hinihinalang militia boats sa paligid ng Subi Reef, isa sa mga artificial island bases ng China sa Spratlys.
May namataan ding Vietnamese vessels sa Pag-asa Cay at Rurok Island.
Namataan din ang ilang kumpulan at iba ay kalat-kalat na Chinese militia vessels sa Julian Felipe Reef, at sa may Pagkakaiba Banks.
May naobserbahan ding “unidentified vessels” sa loob ng lagoon sa Panganiban Reef.
Habang nagpapatroliya naman malapit sa Sabina o Escoda Shoal, isang barkong pandigma ng China ang paulit-ulit na nag-radio challenge sa PH aircraft kahit nasa loob ito ng Philippine sovereign rights.
Sa kabila nito, tiniyak ni Comm. Tarriela na hindi natinag ang PCG sa paggampan ng kanilang makabayang tungkulin na magpatroliya sa mga katibigan at himpapawid sa WPS.
















