Tatawaging “education budget” ang panukalang pondo para sa 2026 upang matutukan ang krisis sa sektor ng edukasyon.
Ito ang kinumpirma ni Senate Committee on Finance Chairman Senador Sherwin Gatchalian sa isang pulong balitaan sa Senado.
Ayon sa senador, bibigyang-prayoridad ang sektor ng edukasyon sa pagsisimula ng deliberasyon para sa panukalang 2026 national budget.
Sisikapin din aniyang maabot o malampasan ang 4% ng Gross Domestic Product (GDP) bilang alokasyon para sa edukasyon sa susunod na taon.
Aminado ang senador na sa mga nakaraang pambansang budget, hindi naging pangunahing prayoridad ang edukasyon, kung saan umabot lamang sa 3.8% hanggang 3.9% ng GDP ang inilaan dito.
Bagama’t aniya tinawag na “education budget” nilinaw ng senador na hindi ibig sabihin nito na isasantabi ang iba pang mahahalagang proyekto at ahensya ng pamahalaan, tulad ng kalusugan, imprastruktura, at transportasyon.
Bilang tugon sa mga panawagan para sa mas malinaw at bukas na paggamit ng pondo, inanunsyo ni Senador Gatchalian na ilalathala na sa opisyal na website ng Senado ang detalyadong takbo ng pambansang budget.
Sasaklawin nito ang orihinal na kopya ng National Expenditure Program na isinumite ng Malacañang, ang mga rebisyon o amyendang ipinasok ng Kamara, gayundin ang mga binago o idinagdag ng Senado—mula sa bersyong inaprubahan sa ikatlong pagbasa hanggang sa Bicameral Conference Committee version o ang pinal na General Appropriations Act.
Sa pamamagitan nito, magiging mas malinaw para sa publiko ang mga isiningit na pondo, lalo na sa mga kontrobersyal na ahensya gaya ng flood control programs.
 
		 
			 
        















