-- Advertisements --

Nanawagan si Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ng hinahon at responsableng diskurso kasunod ng mga alegasyong nag-uugnay kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga maanomalyang kickback sa pambansang badyet.

Sa isang pahayag binigyang-diin ni Adiong, Chairperson ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, na ang mga seryosong akusasyong konstitusyonal ay dapat nakabatay sa beripikadong impormasyon at hindi sa usap-usapan lamang.

Nag-ugat ang pahayag matapos sabihin ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio na nakakita siya ng mga “records of communications” na diumano’y nagdadawit sa Pangulo sa mga anomalya.

“Consistent ako sa pagsasabing dapat beripikadong impormasyon lang ang pinag-uusapan. Mahirap kasi ’yung sabi ng isa, tapos iba ang magpapaliwanag,” ani Adiong.

Ipinunto ni Adiong na kailangan ng ebidensya, bagama’t karapatan ng sinuman ang maglabas ng hinaing, dapat itong samahan ng authenticated na ebidensya sa tamang forum sa halip na ikwento lang ang “nakita” o “narinig.”

Dagdag pa ng mambabatas na tapos na ang pagkakataon, paalala nito nagkaroon na ng malawakang hearing ang House Committee on Justice hinggil sa mga impeachment complaint laban sa Pangulo. Ayon sa kanya, iyon na sana ang pagkakataon ng mga kritiko na patunayan ang kanilang mga alegasyon.

Nagbabala ang mambabatas, na ang pagpapakalat ng mga hindi napatunayang akusasyon ay nagpapahina sa tiwala ng publiko sa mga institusyon.

“Ang mga alegasyon ay dapat pinapatunayan, hindi lang inuulit-ulit,” dagdag ni Adiong.

Giit pa ng Kongresista, ang due process ay hindi lamang teknikalidad kundi proteksyon para sa lahat ng panig.