-- Advertisements --

Inaasahang aabot sa mahigit 4 million metric tons (MMT) ang rice imports ng Pilipinas ngayong taon, ayon sa Department of Economy, Planning, and Development (DepDev), dahil sa kakulangan sa lokal na produksyon ng bigas.

Batay kasi sa datos mula sa Department of Agriculture (DA) at Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang magkakaroon ng 2.653 MMT na production shortfall sa taong ito, kaya’t kakailanganin ng bansa ang mas malaking volume ng imported rice upang mapunan ang pangangailangan.

Tinatayang aabot naman sa 12.888 MMT ang lokal na produksyon ng bigas sa pagtatapos ng taon, habang ang kabuuang demand ay nasa 15.54 MMT.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 2.3 MMT ang naipasok na imported rice sa bansa mula Enero hanggang Hulyo 10, ayon sa Bureau of Plant Industry.

Sa kabilang banda Vietnam pa rin ang nangungunang supplier, na may 1.76 MMT, sinundan ng Myanmar (306,702 MT), Thailand, Pakistan, at India.

Naglabas din ang gobyerno ng 3,636 sanitary and phytosanitary import clearances (SPSICs) para sa pagbili ng 3.18 MMT na imported rice.

Bagama’t inaasahang mataas ang importasyon ngayong taon, tiniyak ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na mas mababa ito sa record-high na 4.8 MMT noong 2023.

Target umano ng DA na mapanatili ang importasyon sa pagitan ng 3.8 hanggang 4 MMT.

Samantala, umaasa ang DA na makakabawi ang lokal na produksyon matapos ang mataas na ani ng palay sa unang semestre ng 2024, na umabot sa 9.08 MMT, mas mataas kaysa sa 8.53 MMT noong nakaraang taon.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., may pag-asa pa ring maabot o mahigitan ang 20.46 MMT rice production target sa 2025, sa tulong ng maayos na panahon at suporta mula sa pamahalaan.