Nanawagan si Roberto Claudio Sr., chairman ng Philippine Retailers Association (PRA), sa pamahalaan na i-abolish ang de minimis law na nag-e-exempt sa imported goods na nagkakahalaga ng P10,000 pababa sa pagbabayad ng buwis at customs duties.
Sa 31st National Retailer Conference and Expo, sinabi ni Claudio na nalulugi umano ang mga physical stores dahil sa hindi patas na kumpetisyon laban sa mga online sellers, lalo na sa mga order galing sa e-commerce platforms na kadalasang mula sa China.
Dagdag pa niya, kung 90% ng e-commerce transactions noong 2023 (na umabot sa $39 billion) ay hindi na-VAT-an, tinatayang aabot sa P100 billion ang nawawalang kita sa gobyerno.
Hinimok din ni Claudio ang Department of Finance (DOF) at Department of Trade and Industry (DTI) na solusyunan ang hindi pantay na kalagayan sa pagitan ng online at physical retailers.
Bukod sa panukalang pag-alis ng de minimis law, nais din ng PRA na amyendahan ang Internet Transactions Act (ITA), na sa kasalukuyan ay hindi isinama ang physical goods sa coverage nito, at nakatuon lamang sa streaming at digital products.
Giit pa ni Claudio, mas makabuluhang hakbang ang pag-abolish sa de minimis law upang magkaroon ng patas na kumpetisyon sa industriya ng retail.